Kulto vs PNP-AFP: 23 patay

Dalawampu’t tatlo katao ang patay kabilang ang isang pulis at isang sundalo matapos na sumiklab ang madugong bakbakan habang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa lider ng kultong Philippine Benevolent Missionary Association (PBMA) na akusado sa pagpaslang sa kanyang asawa sa isinagawang operasyon sa Surigao del Norte, kamakalawa ng gabi.

Ang suspek na si Ruben Ecleo Jr., lider ng kultong Christian Philippine Benevolent Missionary Association (PBMA) ay nasa kustodya na ng pulisya matapos itong sumuko kahapon kay Police Regional Office (PRO)13 P/Director Chief Supt. Alberto Olario.

Base sa report, si Ecleo, dating mayor ng Dinagat island ay takdang arestuhin nitong Martes ng pinagsanib na operatiba ng pulisya at militar sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte dahil sa umano’y pagpatay sa kanyang asawa, subalit binarikadahan ng PBMA members ang mga kalye sa bayan at nagbantang lalabanan ang anumang tangkang hulihin ang kanilang master.

Dahilan naman para magpadala ng karagdagang tropa ang PNP at isilbi ang warrant.

Bigla umanong nagpaputok ang PBMA members na armado ng M-60 machine guns, grenades at assault rifles at pinaputukan ang puwersa ng pamahalaan.

Matapos ang magdamag na putukan ay 18 katao ang agad na bumulagta, 16 ang miyembro ng kulto, isang pulis at isang sundalo.

Sa pinakahuling ulat kahapon ay nasa 23 na ang bilang ng namamatay habang limang Army troopers ang iniulat na nawawala at dosenang iba pa ang sugatan.

Nauna rito, si Ecleo ay may kasong parricide sa Cebu court dahil sa umano’y pagpatay sa asawang si Alona Bacolod-Ecleo noong Enero taong ito. Ang bangkay ni Alona ay natagpuan sa bangin na basag ang mukha na nakasilid sa isang kulay itim na trashbag.

Naglayas umano si Alona dahil madalas mag-away ang mag-asawa hanggang sa marekober ang bangkay nito.

Bunsod nito ay nagsampa ang pamilya Bacolod ng parricide laban kay Ecleo. Mula noon ay nagtago na si Ecleo at ilang beses nakipagnegosasyon si Sen. Robert Barbers para sa kanyang pagsuko.

Nakumpirmang nagtatago sa Dinagat island si Ecleo pero nahirapang arestuhin si Ecleo ng mga kagawad ng pulisya dahil na rin sa ginawang pagtatago dito ng kanyang libo-libong followers sa PBMA.
Pamilya ng asawa ni Ecleo minasaker sa Cebu
Habang nagaganap ang sagupaan sa Dinagat island ay sinalakay naman ng mga tagasunod ni Ecleo ang pamilya Bacolod sa Mandaue City na ikinasawi ng biyenan nitong lalaki na si Elpidio Bacolod, asawang si Rosalia at dalawang anak na sina Ben at Evelyn.

Malubha namang nasugatan ang isa pang anak ni Bacolod na si Ricky.

Alas-9 ng gabi ng pagbabarilin ang pamilya Bacolod. Nasawi rin ang isang miyembro ng kulto matapos na makabarilan ang mga nagrespondeng awtoridad kung saan isa rin sa kapitbahay ni Ecleo ang umano’y sugatan sa insidente.

Ayon sa source, naniniwala ang mga kasapi ng PBMA na ang ama ni Ruben na si Ruben Ecleo Sr., founder ng asosasyon, ang reincarnation ni Kristo at ng mamatay ito ay sumapi naman umano si Kristo sa kanyang anak na tinatawag nila ngayong "master."

Ang lahat umano ng mga kasapi ng PBMA ay nagdodonasyon ng kanilang mga ari-arian para sa pagpapalawak ng samahan na nagkaroon na ng chapters sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tinatayang may isang milyong miyembro ang kulto sa Visayas at Mindanao Region habang libu-libo rin umano ang tagasunod ng suspek sa base ng grupo sa Dinagat island.

Napag-alaman pa na karamihan umano sa miyembro ng kulto ay naniniwala na hindi sila tatablan ng bala dahil may suot ang mga itong anting-anting na siyang itinanim sa kanilang kaisipan ng ama ni Ecleo.
Congresswoman Ecleo iimbestigahan ng ethics sa pagtatago sa anak
Nakahanda ang House committee on ethics na imbestigahan si Surigao del Norte Rep. Glenda Ecleo hinggil sa matagal na pagtatago sa batas ng kanyang anak na si dating Dinagat mayor Ruben Ecleo Jr., kinikilalang pinuno ng Philippine Benevolent Missionary Association (PBMA) at nahaharap sa kasong parricide.

Sinabi kahapon ni Isabel Rep. Antonio Abaya, chairman ng komite na hinihintay na lamang nila ang pormal na paghahain ng reklamo ng isang grupo ng kasong "obstruction of justice" laban sa kongresista,

Subalit kahit na wala aniyang maghain ng reklamo ay maaari pa ring magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara dahil sa prinsipyo ng "moto propio" o ang kapangyarihan na magsagawa ng imbestigasyon base na rin sa House rules.

Sinabi pa ni Abaya na kailangang malinawan kung may naging pagkukulang sa panig ni Congresswoman Ecleo na mapasuko kaagad ang kanyang anak upang harapin nito ang kasong pagpatay sa kanyang asawang si Alona Bacolod-Ecleo. (Ulat nina Joy Cantos,Perseus Echeminada at Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments