Ayon kay Presidential Political Adviser Joey Rufino, isa umanong insulto na tawaging pandak ang isang Presidente at nakakasakit ng damdamin ang pagturing sa Pangulo ng ganitong pangalan.
Sa panig ni FPJ, sinabi nitong wala siyang intensiyon na tumakbo sa pagka-pangulo at wala ring layuning pulitikal ang pagkikita nila kamakailan ni Sen. Gringo Honasan.
May ulat na inaalok umano si FPJ ng oposisyon para itapat kay Pangulong Arroyo sa 2004 presidential elections.
Naniniwala si Rufino na seryoso si dating Pangulong Estrada na manukin si FPJ dahil ito na lamang aniya ang pag-asa ng pinatalsik na lider para mabigyan ng pardon at tuluyang makalaya sa bilangguan.
Magugunita na inihayag ng kampo ni Estrada na mas pipiliin nito sina Senador Panfilo Lacson o FPJ upang maging opisyal na kandidato ng oposisyon kaysa kay Sen. Edgardo Angara para maging kalaban ni GMA sa 2004.
Ayon naman sa source, hindi umano winnable si Angara dahil minsan na itong inilampaso ni GMA nang magharap sila noong 1998 vice-presidential race.
Kasabay nito, nilinaw ni Rufino na hindi nasisindak ang Malacañang kay FPJ dahil malakas na kandidato ang Pangulo bukod pa sa magandang performance nito. (Ulat ni Ely Saludar)