Ediborah di puwedeng gawing bayani!

Sinabi kahapon ni Surigao del Norte Rep. Robert "Ace" Barbers na hindi maaaring ideklarang national hero ang napatay na nurse na si Ediborah Yap dahil marami umanong kuwalipikasyon upang tanghaling bayani ang isang tao katulad ng pakikipaglaban para sa kapakanan ng bayan.

Ayon kay Barbers, ang maaari lamang gawin ng Kongreso ay magpasa ng isang resolusyon na nagpapahayag ng pagkilala ng Kongreso sa katapangang ipinakita ni Ediborah.

"If you fought for a cause that would benefit the nation, puwede pa sigurong gawing bayani," ani Barbers.

Kung si Ninoy Aquino aniya ay hindi pa rin ginawang national hero sa kabila ng pakikipaglaban nito sa Marcos dictatorship.

Subalit maaari aniyang gawing isang magandang halimbawa si Ediborah para sa mga kababaihan na nagpapakita ng kanilang katapangan sa gitna ng kinakaharap na problema.

Samantala, nakatakdang ihain ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada ang isang resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang tugon sa panawagan Philippine Nurses Association of the Philippines (PNAP), isang samahan ng mga nurse sa Pilipinas na gawing national hero ang napatay nilang kasamahan na hinostage ng bandidong Abu Sayyaf.

Sinabi ni Lozada na dapat lamang na tanghaling bayani si Ediborah dahil naging instrumento ito sa pagpapakita ng magandang ugali ng mga Filipino sa kabila ng ginawang panghohostage ng bandidong grupo.

Magugunitang ilang beses na nagkaroon ng pagkakataon na tumakas si Ediborah mula sa kamay ng Sayyaf subalit hindi nito iniwanan ang mag-asawang Martin at Gracia Burnham.

Katulad umano ng isang bayani na hindi iniisip ang sariling buhay, mas pinahalagahan ni Ediborah ang kapakanan ng mag-asawang Burnham kaya naging maganda pa rin ang tingin ni Gracia sa mga Filipino kahit na dito napatay ang kanyang asawa.

Sigurado umanong susuportahan ng lahat ng mga mambabatas at maging ng mga senador ang resolusyon upang ituring na isang bayani si Ediborah. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments