Ayon kay NBI director Reynaldo Wycoco, ang mga dokumento hinggil sa naturang bank transaction ni Alice Lacson ay ilan sa mga isinumite ng US Attorney Generals Office (AGO) sa Department of Justice (DOJ) upang gamiting ebidensiya laban sa umanoy money laundering activities ng senador noong siya pa ang hepe ng PNP.
"Ang bank transactions ay naganap mula Oktubre hanggang Disyembre 2000," ani Wycoco.
Subalit hindi partikular na binanggit ni Wycoco kung magkano ang halaga ng dollar accounts ni Mrs. Lacson na tinatayang aabot sa daan-daang libong dolyar.
Nauna nang sinabi ni Lacson na ang kanyang bank deposits sa Amerika ay nagkakahalaga lamang ng $200,000 na umanoy gagamiting pang-finance sa pagtatayo ng negosyo ng kanyang business partner na hindi natuloy.
Sinabi rin niya na naisara na niya ang bank deposit sa nasabing bangko noon pang 1997 pero ayon kay Wycoco, ang mga dokumento na isinumite ng AGO ay nagsasaad na hanggang June 5, 2000 ay mayroon pa ring bank transactions si Mrs. Lacson na nagkakahalaga ng $200,000 sa Bank of America sa California.
Base pa rin sa dokumento ng AGO, lumalabas na umaabot sa $700,000 ang bank deposits ng mag-asawang Lacson sa tatlong sangay ng Bank of America at isa sa Wells Fargo Bank sa California.
Masusi ngayong sinisiyasat ang kaugnayan ng mga bank deposit ni Lacson sa Amerika sa umanoy nawawalang $2 milyon na naiulat na nasamsam ng kanyang mga tauhan sa binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Commission (PACC) mula sa lider ng Kuratong Baleleng gang na si William Soronda noong 1995.
Nakatakdang imbitahan si Mrs. Lacson para magpaliwanag hinggil sa kanyang bank accounts sa Amerika bilang bahagi ng imbestigasyon sa umanoy money laundering activities ng kanyang asawa.
Lahat anya ng dokumento na galing sa AGO ay na-validate at pinatunayan ng mga bank experts, kabilang sa mga ito ang transmittal, remittances at tseke na ginamit sa mga transaksiyon ng mag-asawang Lacson. (Ulat ni Ellen Fernando)