Sayyaf Commander Bakal todas sa encounter

Isa pang kapatid ni Abu Sayyaf Group (ASG) Commander Isnilon Hapilon ang napatay sa pakikipag-engkuwentro sa mga operatiba ng pulisya kamakalawa ng gabi sa isinagawang raid sa Zamboanga City.

Kinilala ang napatay na si ASG leader Commander Bakal Hapilon, may patong sa ulong P1M kapalit ng pagkakahuli nito buhay man o patay.

Napag-alaman na kasalukuyang namamahinga at nagpapagaling sa kanyang sugat si Bakal na nakuha nito sa pakikipag-encounter sa mga operatiba ng militar sa Basilan noong nakalipas na Marso, ng salakayin bandang alas-10 ng gabi nitong Linggo ang kanyang hideout sa Balumo village.

Sa kabila umano ng pagbibigay ng warning shot ng mga tauhan ng Zamboanga City police ay tumangging sumuko si Bakal at sa halip ay nakipagpalitan pa ng putok hanggang sa tuluyan itong mapatay.

Si Commander Bakal ay nakababatang kapatid ni Commander Isnilon Hapilon na kabilang naman sa ASG top leaders na may reward na $5M at siyang may hawak sa nalalabing bihag na sina Martin at Gracia Burnham at Ediborah Yap.

Magugunita na isa pang kapatid ng mga Hapilon na si Shaninun Hapilon ang napaslang rin sa isang encounter sa terminal ng bus sa Zamboanga City noong nakalipas na Mayo 18, 2002.

Tiwala naman ang mga opisyal ng militar na sa pagkakapatay kay Bakal ay susunod ng mahuhulog sa kanilang dragnet operations si Isnilon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments