Maghahain ng manifestation sa Lunes ang prosekusyon upang maisama sa listahan ng mga akusado ang pangalan ni Ortaliza.
Makakasama ni Ortaliza sina Estrada, anak nitong si Jinggoy, Atty. Edward Serapio, Yolanda Ricaforte, Charlie "Atong" Ang, Delia Rajas, Alma Alfaro at Eleuterio Tan.
Ginamit na basehan ng mga abogado ng gobyerno ang pag-amin ni Ortaliza sa panayam sa telebisyon na may nangyayaring plunder subalit ang tanging naging partisipasyon niya ay ang pagdedeposito ng pera.
Pinatunayan din umano nito ang salaysay ng mga naunang testigo na si Ortaliza ang nakikipag-transaksyon sa bangko bilang representative ni Estrada at Jose Velarde.
Mariin namang kinondena ng kampo ni Estrada ang naging aksiyon ng Ombudsman at sinabing isa umano itong panggigipit sa kanila.
Idinagdag ni Atty. Raymond Fortun na binibigyan umano ng immunity ng pamahalaan ang mga taong nais tumestigo laban sa dating pangulo, subalit isinasama naman sa kaso ang mga nais magtanggol dito. (Malou Rongalerios-Escudero)