Bukod kay Camacho na siyang pinuno ng inter-agency committee,nais din ni Oreta na alisin sa komite ang iba pang opisyal ng Department of Finance,matapos aminin umano ng naturang ahensiya na hindi nito maaaring madaliin ang pagrepaso sa mga power contracts sa takot na makasuhan ng mga malalaking pribadong kumpanya.
"Nararapat lamang na sibakin si Camacho at iba pang opisyal ng DOF sa review panel dahil hindi kaya ng mga ito na ipaglaban ang karapatan ng mga ordinaryong mamamayan na magkaroon ng mas murang singil sa kuryente" wika ni Oreta.
Bukod sa DOF,kabilang din sa nasabing komite para magrepaso ng mga power contracts ay ang Department of Justice (DOJ),Department of Energy (DOE) at National Economic Development Authority (NEDA).
Muling iginiit ng senador na ang solusyon sa problema sa mataas na singil sa kuryente ay ang renegosasyon ng mga kontrata.
Samantala, nagsulong ng panukala si Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na bumuo ng isang special body na siyang magsasagawa ng pagrebyu ng mga IPPs contracts at tatalakay sa isyu ng purchased power adjustment (PPA). (Rudy Andal/Malou Rongalerios Escudero)