Motoristang masasangkot sa minor, major vehicular accident, i-drug test

Giniit kahapon ni Land Transportation Chief Roberto Lastimoso na isailalim sa drug test ang lahat ng mga motoristang masasangkot sa minor at major vehicular accident sa bansa.

Ito ayon kay Lastimoso ay upang matiyak kung may kinalaman sa paggamit ng ipinagbabawal na droga ang sanhi ng naganap na aksidente ng mga motorista.

Binigyang diin ni Lastimoso na mas higit na mabibigyan ng katarungan ang mga mabibiktima ng aksidente sa mga lansangan kung malalapatan ng nararapat na kaparusahan ang mga motoristang nagdulot ng kamatayan o pagkasugat ng maraming tao bunsod ng pagiging drug user nito.

Hinikayat din ng LTO Chief ang MMDA, TMG at mga local traffic enforcers gayundin ang PNP traffic chiefs na ipasailalim din sa drug test ang mga motoristang masasangkot sa minior at major accidents para mapangalagaan ang interes at kapakanan ng libong mamamayan.

Kailangan umano ang pagkakapit-bisig ng ahensiya ng pamahalaan para mapagtagumpayan ang kampanya laban sa droga sa pamamagitan anya ng pagpapa-drug test sa mga motoristang masasangkot sa banggaan at aksidente sa mga lansangan ng mga adik na drivers.

Kaugnay nito, matindi naman sinuportahan ng Drug Check Phils., number 1 at largest drug testing center sa bansa ang naturang hakbang ni Lastimoso.

Ayon kay John Catindig, General Manager ng DrugCheck Phils, malaking kabawasan ang hakbang sa bilang ng maraming drug user na naglipana sa mga lansangan na ilan sa mga ito ay mga drivers.

Handa ang Drug Check Phils. na maglaan ng kaukulang serbisyo para sa naturang hakbang at iba pang serbisyo para sa mga magiging positibo sa droga tulad ng counselling.

Inanunsiyo din ng kompanya ang planong pagbuo sa Drug Check Phils. Foundation upang ito mismo ang tutulong sa mga taong gumagamit ng bawal na gamot.

Show comments