Tunay na Gensan bomber tiklo

Bumagsak sa pinagsanib na operatiba ng militar at pulisya ang notoryus at orihinal na Abu Muslim Al-Ghazie na positibong utak sa serye ng pambobomba at panununog sa dalawang malalaking mall sa General Santos sa isinagawang dragnet operations sa Cotabato City kamakalawa ng umaga.

Sa panayam kay Regional Command-12 PNP Director P/SSupt. Bartolome Baluyot, ang suspek na si Ustadz Noor Mohammad Omog, ang umano’y totoong Abu Muslim Al-Ghazie ay naaresto bandang alas-11 ng umaga sa pamamagitan ng 50 warrant of arrests na inisyu ng iba’t ibang huwes mula sa Basilan para sa mga kasong kidnapping, serious illegel detention, multiple murder, rape, carnapping, robbery, extortion, arson at car theft.

Dinakip ito habang papalabas sa isang restaurant sa Almonte st., Cotabato City.

Si Al-Ghazie ang itinuturong mastermind sa pambobomba sa Fitmart shopping mall sa Gensan noong nakalipas na Abril 21 na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng 59 iba pa.

Siya rin ang taong tumawag sa radio station na nagpakilalang siyang tunay na Abu Muslim Al-Ghazie.

Inamin rin nito ang panununog sa Kimball plaza mall at KCC mall at ilang extortion activities sa nabanggit na siyudad at karatig na mga lugar.

Magugunita na nitong nakalipas na unang Linggo ng Mayo ay nalambat ng tropa ng militar sa Cotabato City si JR Jikiron na gumagamit din ng alyas na Abu Muslim kasama ang ilang galamay nito.

Samantalang tinutugis rin ng pulisya ang isa pang nagpapanggap na Abu Muslim na kinilala namang si Abdulatip Paglala.

Si Paglala ay nakatakas sa dragnet operations noong nakalipas na Mayo 8 sa hideout ng grupo sa Tacurong City, Sultan Kudarat na nagresulta sa pagkakaaresto ng asawa nitong si Bai Paglala at mga tauhang sina Jun Macampao, Romy Kasin at Bernard Baleno.

Base pa sa talaan ng Cotabato City PNP, si Omog ay isang bomb expert, lider ng striking force at foreign trained ng Sayyaf at public school teacher sa Isabela, Basilan kung saan nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Education sa Claret School.

Pormal itong iniharap kahapon ng umaga kay PNP Chief Dir. Gen. Leandro Mendoza at sasailalim sa masusing tactical interrogation ng mga awtoridad.(Joy Cantos)

Show comments