Ito ang pahayag ng maraming residente sa mga apektadong lugar na nagdusa sa halos nakapapasong init ng panahon na sinabayan ng sunud-sunod na pagbagsak ng mga power grids ng National Power Corporation (Napocor).
Naganap ang blackout sa kainitan na rin ng debate sa kontrobersiyal sa Power Purchased Adjustment (PPA).
Naghinala tuloy ang mga taga Luzon na sinimulan na ng Napocor ang sinasabi ng mga itong magkakaroon ng malawakang blackout kapag inalis ang pagbabayad ng PPA.
Agad namang nagpalabas ng pahayag ang tanggapan ni Office of Civil Defense administrator ret. Major Gen. Melchor Rosales na ang sanhi ng blackout ay ang power tripping o ang nangyaring pagbagsak ng Biñan-Sta. Rosa sub-station ng Napocor sa lalawigan ng Laguna kahapon.
Bunsod nito, maging ang mga planta ng Napocor sa Calaca-Batangas gayundin sa Bulacan area ay hindi na rin gumana na nagpalala pa sa sitwasyon.
Nabatid na bandang 10:45 ng umaga kahapon ng sunud-sunod na mawalan ng kuryente sa buong Luzon.
Dakong 12:15 ng tanghali kahapon ay unti-unting naibalik ang kuryente sa Region I, Quezon Province, Laguna, Cavite, Bulacan at ilang bahagi ng Metro Manila partikular sa Novaliches, Caloocan City, Quezon City at Manila.
Nagpadala na ng "line gang" upang kumpunihin ang mga nasirang linya ng kuryente ng Napocor gayundin ang mga apektadong planta.
Ayon kay Mendoza, problemang teknikal ang sanhi ng blackout at wala itong kinalaman sa coup plot.
"The situation is under control, huwag na sana tayong mag-speculate ng coup de etat," wika ng PNP chief.
Binigyang diin pa ni Mendoza na walang dapat ipag-panic ang publiko.
Ayon kay acting Press Secretary Silvestre Afable, nais ng Pangulo na agad maisulong ang privatization lalo na sa transmission facilities ng Napocor dahil ito aniya ang tanging tugon sa nasabing problema.
Sa House Resolution 583 na inihain nina Deputy Speaker Raul Gonzales at Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina, sinabi ng mga ito na simula ng lumutang ang isyu kaugnay sa pag-aalis ng PPA ay nagbabala kaagad ang Napocor na magreresulta ito sa malawakang blackout sa bansa.
Kung hindi umano maipapaliwanag ang nangyaring pagkawala ng kuryente ay hindi maaalis ang hinala ng mga mamamayan na kontrolado ng mga ito ang kuryente. (May ulat nina Malou Escudero at Ely Saludar)