GMA patungong Japan

Muling bibiyahe ngayon araw ang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para sa limang araw na ‘working visit’ sa Tokyo at Osaka para higit na mapalakas ang relasyong pangkabuhayan ng Pilipinas at Japan.

Ang pangunahing pakay ni Arroyo ay ang pagtatalumpati sa Nikkei International Conference kaugnay sa hinaharap ng Asya sa imbitasyon ng Nihon Kreisai Shimbun, sasamantalahin na rin niya ang pagkakataon para makapulong ang mga lider ng negosyo at pamilihang pinansiyal ng nasabing lugar.

Makikipagkita rin si Arroyo kay Japanese Prime Minister Junichiro Koizumi para matalakay ang mga isyung may kinalaman sa kapakanan ng dalawang bansa.

Sa Osaka, ang Pangulo ay dadalo sa symposium hinggil sa Asya at Japan sa ika-21 siglo na panukala ng mga lider na kababaihan sa rehiyon.

Samantala, walang nakikitang sigalot sa pagitan ng kampo ni Arroyo at dating Pangulong Fidel Ramos dahil sa pagpapalakas ngayon ng Kabalikat ng Malayang Pilipino(KAMPI) ang itinatag na partido ni GMA.

Ayon kay Acting Press Secretary Silvestre Afable, hindi masasabing namamangka sa dalawang ilog si Arroyo sa pagpapalakas ngayon ng KAMPI sa kabila ng pagtanggap nito ng pamumuno ng Lakas-NUCD-UNDP dahil nabibilang naman sa iisang alyansa ang dalawang partido.

Sinabi ni Afable, na wala siyang alam kung may basbas ni Arroyo ang pagpapalakas ng kanyang itinatag na partido (KAMPI) at sinasabi sa mga ulat na may inisyatiba nito ay si Dante Ang, ang Presidential Consultant on Public Relations. (Lilia Tolentino)

Show comments