Walang shoot-to-kill order vs Cardeño pero pag nanlaban uunahan - SPD

Nilinaw ng pamunuan ng Southern Police District (SPD) na hindi literal ang "shoot-to-kill order" na ipinahayag ng PNP laban kay Supt. Rafael Cardeño, ang itinuturong mastermind umano sa pagpatay sa YOU spokesman na si Baron Cervantes.

Ayon kay SPD Director C/Supt. Jose Gutierrez, hindi umano ibig sabihin ay babarilin kaagad si Cardeño sakaling maispatan ito ng mga pulis.

Gayunman, sinabi ni Gutierrez na magiging maayos ang pag-aresto sa opisyal sakaling kusa itong sasama sa kanila at hindi lalaban dahil inutos din aniya na kailangang unahan ito kung magpapakita ng ugaling subersibo at manlaban.

Bilang miyembro ng PNP, inaasahan ni Gutierrez na lulutang si Cardeño para ibigay ang kanyang panig kaugnay sa akusasyon na umano’y pagiging utak nito sa pagkamatay ni Cervantes.

Nauna rito ay nagbanta ang abogado ni Cardeño na si Atty. Homobono Adaza na bubuwelta sa pulisya dahil sa ipinalabas na manhunt operations at "shoot-to-kill order" umano sa kanyang kliyente. (Lordeth Bonilla)

Show comments