Kamuntik magkagulo nang harangin ng mga Koreano ang ibang paalis na pasahero ng PAL bilang protesta sa pagkaka-delay ng kanilang flight.
Nakatakda sanang umalis ang mga Sokor lulan ng flight PR 468 dakong 1:30 ng hapon kahapon subalit sa di maipaliwanag na dahilan, ang eroplano ng PAL ay hindi dumating sa takdang oras.
Dahil dito, nag-human barricade ang mga Koreano at hinarang ang mga pasahero na patungong Hong Kong at Singapore. Tinakot din ng mga dayuhan ang mga pulis na handa silang makipagbugbugan kung sila ay sapilitang paaalisin sa gate ng airport.
Nabatid na nagalit ang mga Sokor nang hindi ipinahayag ng PAL na ang kanilang flight ay maaantala ng limang oras.
Naging maingay ang mga Koreano at nag-umpisang manggulo at makipag-agawan sa batuta ng mga airport police na ipinadala ni NAIA assistant general manager for security and emergency services, Gen. Mike Hinlo.
Humupa lamang ang galit ng mga ito nang bigyan sila ng PAL ng Jollibee chicken joy at softdrinks.
Nang makakain, payapa silang nagbalik sa departure lounge at tahimik na naghintay sa eroplanong kanilang sasakyan.
Saka lamang nakasakay ang ibang paalis na pasahero ng kusang loob na umalis ang mga Sokor sa gate.
"Jollibee lang pala ang gamot sa mga yan. Dapat kanina pa pinakain para hindi na nagwala," natatawang sabi ng ilang pasahero.