Kinilala ni PNP Region 9 Director C/Supt. Simeon Dizon ang napatay na si Sahinun Hapilon, kapatid nina Isnilon at Bakal Hapilon, pawang mga notoryus na kumander ng ASG na sangkot sa serye ng kidnapping sa Basilan.
Si Sahinun ay may patong sa ulong P150,000 kapalit ng pagkakadakip dito buhay o patay at matagal ng isinasailalim sa masusing surveillance operations ng mga awtoridad.
Ayon sa report, bandang alas-11:50 ng gabi nitong Biyernes ng maganap ang engkuwentro sa bus terminal ng Guiwan, Zamboanga City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na tatakas ang suspek patungong Ipil, Zamboanga del Sur kaya agad na rumesponde ang mga elemento ng Regional Intelligence and Investigation Division ng PNP Region 9 at pumoste sa nasabing terminal.
Pinalibutan ng mga pulis si Sahinun at ng akmang poposasan na nila ito ay bigla itong pumalag at kinuha ang service firearm ng isa sa mga pulis na nakilalang si SPO1 Elvie Guiang.
At sa halip na sumuko ay bigla umanong bumunot ng baril ang suspek sa papalapit na mga operatiba ng pulisya na nauwi sa palitan ng putok.
Tinamaan sa hita ang suspek subalit bago pa man ito makarating sa Zamboanga City Medical Center ay idineklara na itong dead on arrival matapos na maubusan ng dugo.
Nabatid pa na si Sahinun ay may ilang orders of arrest dahil sa ibat ibang kasong kriminal partikular na ang kidnapping-for-ransom at serious illegal detention na ipinalabas ni Judge Danilo Bucoy ng Basilan regional trial court laban dito. (Butch Quejada)