'Utak' sa Cervantes slay: Cardeño susuko na

Nakahanda akong sumuko!

Ito ang naging pahayag kahapon ni Supt. Rafael Cardeño, ang itinuturong mastermind sa pagpaslang kay self-proclaimed Young Officers Union (YOU) spokesman Capt. Baron Cervantes.

Sa isang phone interview, sinabi ni Cardeño na susuko siya pero ito’y sa tamang panahon kapag naihanda na niya ang lahat ng ebidensiya o papeles na magpapatunay na wala umano siyang kasalanan.

Nilinaw din ni Cardeño na hindi siya nagtatago at alam niya ang pagkakahuli kina ex-Marine Sgt. Joseph Mostrales, sinasabing gunman ni Cervantes at isa pang kasabwat na si Jaime Centeno.

Ginawa ni Cardeño ang pahayag matapos magpalabas si PNP Chief P/Director Gen. Leandro Mendoza ng malawakang manhunt operations laban sa kanya bunga ng pagkanta ng naarestong si Mostrales.

Sa naunang testimonya ni Mostrales, si Cardeño, founding chairman ng YOU, ang nagpapatay umano kay Cervantes dahil sagabal umano ito sa mga plano ng kanilang organisasyon kaugnay ng umano’y planong pagpapabagsak laban sa administrasyon ni Pangulong Arroyo.

Maliban kay Mostrales ay nadakip rin ang isa sa mga suspek na si Centeno na nalambat naman sa hideout nito sa Antipolo City kamakailan.

Kasabay nito, ipinagharap na ng kasong murder ng PNP si Cardeño at ang apat pa nitong kasabwat sa krimen.

Kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga pulis ang YOU chairman na magugunitang idineklarang AWOL (absence without official leave).

Siniguro naman ni PNP spokesman Leonard Espina na ang isinasagawang manhunt ay magreresulta sa pagkakaaresto sa naturang suspek sa lalong madaling panahon.

Malaki ang paniniwala ng PNP na nakatakas na palabas ng Metro Manila si Cardeño pero imposibleng makalabas ng bansa dahil nakaalerto na ang lahat ng tauhan ng Aviation Security Group na nakatalaga sa mga exit points sa bansa.(Joy Cantos)

Show comments