Nabatid mula sa 11-pahinang complaint-affidavit nina Ninez Cacho-Olivarez, publisher ng pahayagang The Daily Tribune; Jake Macasaet, publisher ng Malaya; at mga kolumnistang sina Angelito Banayo, Horacio "Ducky" Paredes at Herman Tiu Laurel, ibinunyag ang pagsasabwatan umano nina Reyes, Villanueva at sina retired Generals Fortunato Abat at Gen. Leo Alvez upang tuluyan nang bumaba sa puwesto ang dating pangulo at mabigyang daan ang pag-upo ni Pangulong Arroyo.
Binigyang-diin ng mga nagsampa ng reklamo na ang nasabing mga heneral ang gumawa ng paraan upang tila maging inutil na ang dating pangulo na resolbahin ang nagaganap na pag-aalsa noon sa Edsa 2.
Ibinase ng mga nasabing kolumnista ang kanilang reklamo sa librong isinulat ng kolumnistang si Amando Doronilla na pinamagatang "The Fall of Joseph Estrada" na naglalaman ng mga pag-amin ni Reyes hinggil sa paggapang niya sa suporta sa hanay ng mga heneral upang bumaligtad na rin ang mga ito at suportahan ang nooy Bise Presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo.
Ibinunyag sa nasabing libro na noong Enero 19, 2001 ay pinulong ni Reyes ang kanyang mga heneral at idineklara ang kanyang withdrawal of support para kay Estrada. Matapos na matiyak ang suporta ng mga ito ay hayagang inamin ng dating AFP chief na malinaw na isang pag-aalsa ang kanilang isasagawa.
"Gentlemen, Im sure you know that weve just committed mutiny," wika umano ng mga heneral.
Nakalagay pa rin sa complaint-affidavit na ipinag-utos ni Reyes sa mga heneral na i-off ang kani-kanilang cellular phones upang hindi na makontak pa ng sinuman mula sa Malacañang at bagkus ay ilimita sa AFP Radio Network ang kanilang pakikipag-komunikasyon.
Dahil ditoy hiniling ng mga complainant na suspindihin ng Ombudsman ang mga nabanggit na heneral. Inihayag din ng mga ito ang hangaring makapagsumite ng criminal information para sa kasong coup detat sa Sandiganbayan.
Sa kanilang reklamo, lumabag umano sa Article 134-A ng Revised Penal Code ukol sa coup detat ang mga akusado at sa ilalim ng bagong probisyong ito, isa nang criminal act ang pagsagawa ng coup detat at may dalang parusang pagkakulong.
Inamin ni Olivarez na ang kanilang pagkilos ay isang test case upang malaman kung sapat na ang mga batas ng bansa bilang balakid sa mga maitim na balak ng mga kriminal sa sektor ng militar.
Nais din umanong malaman ng mga complainants kung tunay ngang umaandar ang sistema ng hudikatura at maihaharap sa hustisya ang mga kriminal, o kung itoy ginagamit lamang ng mga mayayaman at makapangyarihan upang maipagpatuloy ang kanilang mga iligal na gawain.
Napansin umano nila na sa kaso nina Reyes at Villanueva, ginantimpalaan pa sila sa pamamagitan ng kanilang appointment sa isang mataas na puwesto sa kabila ng kanilang paglabag sa batas at pagbasura sa Konstitusyon. (Ulat nina Grace Amargo at Malou Rongalerios-Escudero)