Sinabi ni Presidential Adviser on Media and Religious Affairs Dodie Limcauco na masama ang loob ng Pangulo dahil lumilitaw na wala siyang ginagawang tama.
"Pabayaan na ninyo akong magsabi ng tampo ng Pangulo, bakit ba kapag may mabuti pong nagagawa, nilalagyan kaagad ng motibong masama," pahayag ni Limcauco.
Partikular na hindi nagugustuhan ng Pangulo ang patuloy na pagpuna sa kanyang desisyon na suspindihin ng Napocor ang PPA upang mabawasan ang pasanin ng taumbayan.
Sinabi ng ilang grupo na pampapogi ito ng Pangulo upang lalo pang umangat ang popularidad bilang paghahanda sa 2004 presidential elections.
Nilinaw ng Malacañang na ang layunin dito ng Pangulo ay para sa kapakanan ng mga mahihirap at hindi pangangampanya. (Ely Saludar)