Ayon kay Bayan Muna Rep. Crispin Beltran, kung tutuusin ay hindi dapat bigyan ng credit si Pangulong Arroyo sa ginawa nitong hakbang dahil sa simulat simula pa ay hindi naging malinaw ang stand nito sa PPA.
Bagaman at suspendido na ang PPA, iginiit ni Beltran na dapat pa ring magpatuloy ang imbestigasyon ng Kongreso sa diumanoy maling kontrata na pinasok ng pamahalaan.
Sinabi ni Beltran na posibleng may namamagitang sabwatan sa pagitan ng Malacañang at Meralco upang patayin ang isyu ng PPA at mataas na singil sa kuryente.
Dapat rin anyang magbantay ang publiko dahil hindi naman sinabi ng Malacañang kung hanggang kailan mananatili ang suspensiyon ng PPA.
Hinamon din ni Beltran ang Pangulo na gumawa ng aksiyon sa sandaling totohanin ng Meralco ang naunang banta nito na magkakaroon ng malawakang blackout kapag sinuspinde ang PPA.
Kung hindi umano gagawa ng hakbang laban sa Meralco ang Pangulo ay lalong maghihinala ang taumbayan na may kutsabahan sa pagitan ng dalawa kaugnay sa PPA. (Malou Rongalerios-Escudero)