Abogado ni Erap nagbitiw

Tulad ng mga naunang abogado ni dating Pangulong Estrada, nagbitiw kahapon bilang lead counsel nito si Atty. Persida Acosta ng Public Attorney’s Office (PAO).

Ayon kay Acosta, napakaraming nakaatang na trabaho sa kanya bilang hepe ng PAO at hindi dapat maubos ang kanyang oras sa isang akusado lamang.

Iginiit din ni Acosta na ang mga abogado sa PAO ay itinalaga ng pamahalaan para sa mga mahihi-rap na akusado at hindi sa isang kagaya ng dating pangulo.

Natatakot anya siyang sumbatan ng taumbayan dahil sa pangunguna sa pagtatangggol sa isang akusadong may kakayahan namang kumuha ng magaling na abogado.

Nilinaw ni Acosta na hindi makakaapekto sa mga kaso ni Estrada ang ginawa niyang pagbibitiw dahil mayroon pa naman itong ibang abogado.

Hinihintay na lamang ng Sandiganbayan Special Division ang pormal na paghahain ni Acosta ng motion to withdraw.

Sa unang araw naman ng pagdinig sa ikalawang kaso ng perjury na kinakaharap ng dating lider, kinumpirma ni Salvador Serrano, vice president ng Security Bank na mayroong account sa kanila si Estrada na nagkakahalaga ng P13.7 milyon.

Sinabi ni Serrano na wala pang nangyayaring withdrawal sa tatlong accounts simula ng buksan ito sa branch ng kanilang bangko sa San Juan at hanggang sa kasalukuyan ay naroon pa rin ito.

Ngunit lumabas na hindi si Estrada ang nakapirma sa mga papeles at sa halip ay isang Baby Hortaleza na representative umano ng dating pangulo.

Ayon kay Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio ihahayag nila sa Lunes kung sino ang nasabing Baby Hortaleza. (Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments