Sinabi ni Oreta, "overkill" ang nasabing plano at nagpapahiwatig lamang na "napa-praning" ang administrasyong Arroyo dahil sa mga inaakalang banta sa katatagan ng liderato nito, hindi lamang mula sa kampo ni Estrada at iba pang kalaban sa pulitika kundi pati na rin sa mga dismayadong kakampi nito sa EDSA 2.
Ayon kay Oreta, mali ang planong ito ng Palasyo sa kadahilanang maaring magsamantala ang mga masasamang-loob sa pamamagitan ng paggawa ng krimen sa ibang lugar na malayo sa Maynila, na siyang kinaroroonan ng Malacañang.
Gayunman, pinayuhan ni Oreta ang mga nagnanais magpababa sa puwesto ni Arroyo na hintayin na lamang ang 2004 national elections para magkaroon ng mapayapang pagpapalit ng liderato sang-ayon sa itinatadhana ng Konstitusyon.
Samantala, hindi naman daw 10,000 cops kundi 6,000 lang mga pulis ang itatalaga sa Palasyo para pangalagaan ang seguridad ng nasabing lugar sa pagdiriwang ng Labor Day at unang anibersaryo ng EDSA 3 sa Mayo 1.
Ito ang pahayag ni Acting Press Secretary Silvestre Afable, sa mga kritisismo na tila "overkill" naman ang kahandaan ng Philippine National Police (PNP) para sa dalawang selebrasyon sa Mayo 1.
"Hindi naman talaga 10,000 ang deployment diyan. I attended a briefing by NCRPO Director General Edgardo Aglipay and actually ang involve naman diyan sa deployment is just 6,000 cops. But you know, we have really to put policemen in large numbers para to serve as deterrent to violence kasi kung kakaunti naman ang mga nagbabalak ng trouble ay lumakas pa ang loob. Kailangan din natin ang deterrent para may peace of mind ang publiko," ani Afable.
Sinabi ni Afable na hindi nila inaasahan na magkakaroon ng gulo sa Mayo 1.
"Basta sa amin, ang intensiyon namin ay peaceful day iyan and we will undertake the measures we can to make it peaceful," sabi ni Afable. (Ulat nina Rudy Andal at Lilia Tolentino)