Erap, FVR inisnab ang pagdinig sa Jancom deal

Inisnab kahapon nina dating Pangulong Joseph Estrada at Fidel Ramos ang pagdinig ng House Committee on Ecology sa kontrobersiyal na $350 M Jancom Environment Corp deal.

Ayon kay Misamis Oriental Rep. Augusto Bacullo, chairman ng komite na noong Abril 22 pa nila pinadalhan ng imbitasyon ang dalawang dating Pangulo ng bansa at pumayag ang mga ito na ibigay ang kanilang panig subalit nabigo ang mga itong dumalo sa pagsisiyasat.

Una nang nagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema na legal ang Jancom Incinerator deal subalit ayaw itong lagdaan ni Pangulong Arroyo. Ang Jancom deal ay maipapatupad lamang umano kung pipirmahan ito ng punong ehekutibo.

Si Estrada ay binigyan na ng go signal ng Sandiganbayan na dumalo subalit hindi ito nakarating dahil sa inoperahan sa panga, habang si Ramos ay nasa ibang bansa umano at dumadalo sa isang opisyal na transaksiyon.

Ang dalawang dating Pangulo ay pagpapaliwanagin sana kung bakit ayaw ng mga itong lagdaan ang kontrata ng Jancom gayung may transaksiyon ukol dito sa panahon ng kanilang panunungkulan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments