Sinabi ni Anthony Ian Cruz, spokesperson ng Text Power, malaking kalokohan ang gagawin ng pamahalaan kung pati text message ay gusto pang buwisan ng gobyerno.
Ayon kay Cruz, dapat ihinto ni Finance Secretary Jose Isidro Camacho ang bagay na ito dahil hindi makakatulong sa taumbayan bagkus ay dagdag gastos lamang at pahirap sa maraming mamamayan.
Hinikayat ng grupo ang pamahalaan na ayusin na lamang ang sistema ng pagkolekta ng buwis sa mga tax delinquent at corrupt na kawani ng pamahalaan.
Umaasa ang Text Power na pakikialaman ni Pangulong Arroyo ang planong ito ng DOF dahil wala itong maitutulong sa interes ng sambayanan.
Samantala, umani rin ng pagtutol sa mga senador ang plano ni Camacho na patawan ng buwis ang text messaging.
Ayon kay Sen. Blas Ople, kung papatawan ang text messaging ng buwis ay parang sinasakal na ng gobyerno ang mamamayan.
Aniya, maling hakbang ito ng gobyerno upang makalikom ng karagdagang buwis dahil ang tatamaan sa iniisip na panibagong buwis ay ang masang Filipino.
May hinala naman si Sen. Joker Arroyo na isang pamamaraan ang planong ito upang hindi magamit ang medium na ito sa paglalahad ng kampanya at kritisismo sa gobyerno. (Ulat nina Angie dela Cruz at Rudy Andal)