Sa isang anim na pahinang resolusyon, pumayag si anti-graft court special division chairwoman Associate Justice Minita Chico-Nazario na iurong ang graft case laban sa pamilya Estrada na nag-ugat sa umanoy paggamit nito sa P130M tobacco excise tax sa Ilocos Sur.
Bukod kina Estrada, Sen. Ejercito at Jinggoy, ang iba pang akusado na inabsuwelto ng anti-graft court ay sina Charlie "Atong" Ang, Eleuterio Tan aka Eleuterio Ramos Tan o Mr. Uy; Alma Alfaro at Jane Doe aka Delia Rajas.
Sinabi ng special division na ibinasura ang graft case ni Estrada dahil bahagi na rin naman ito ng plunder case ng dating pangulo kayat makabubuting i-withdraw na lamang base na rin sa kagustuhan ng prosekusyon upang mapagtuunan na lamang ng konsentrasyon ang kasong pandarambong. May posibilidad umano na sumabit ang plunder kapag isinulong ang graft case.
Magugunita na tinutulan ng dating mga abogado ni Estrada sa pangunguna ni ex-lead counsel Rene Saguisag ang paglalaglag ng graft case upang masulong ng depensa ang double jeopardy.
Inakusahan ang mga Estrada na ginamit ang posisyon sa gobyerno upang makuha ang P130M excise tax sa pamamagitan ni state witness at dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na siyang nagbulgar sa anomalya.
Base sa asunto, nakuha umano ni Estrada ang P70M ng P130M at nakibahagi si Ang nang P25M; Dra. Loi, P20M at Jinggoy, P15M na ginamit umano ng mga ito sa kanilang personal na interes.
Kaugnay nito, gagamiting instrumento ng prosekusyon at depensa ang "tape recorder"sa pagdinig upang mapabilis ang paglilitis ng mga kasong kriminal ng dating pangulo at mga kasamahang akusado.
Sa isang open-court decision, pinayagan ni Justice Nazario ang kahilingan ni Atty. Prospero Crescini, counsel de officio ng mga Estrada na gumamit ang depensa ng tape recorder upang mapag-aralan ang testimonya ng mga testigo ng prosekusyon.
Kinatigan ng korte ang tape recorder sa kondisyong hindi ito gagamiting ebidensiya at layunin lamang na agarang makuha ang transcript ng mga testigo upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa paglilitis.
Bukod sa graft case, si Estrada ay kinasuhan rin ng capital offense ng plunder; dalawang perjury case dahil sa umanoy misdeclaration ng kanyang Statements of Assets and Liabilities for 1998 at 1999; at illegal use of alias Jose Velarde.
Samantala binigyan rin ng Korte ang prosekusyon ng 10 araw upang magbigay ng komento sa petisyon ng makapaghain ng piyansa si Jinggoy habang dalawang araw naman sa panig ng depensa para isumite ang kanilang paliwanag. (Ulat ni Joy Cantos)