Kasalukuyang nasa Batangas ang Pangulo kaya silay tinanggap sa Palasyo ni Presidential Assistant on Education Mona Valisno.
Ayon kay Edina Almodal, national chairman ng Union for Fresh Leadership, libu-libong tapos ng IT mula sa STI, AMA, UE, TIP at iba pang popular na mga unibersidad at kolehiyo ang walang trabaho.
"Nakakabagabag dahil nakikita namin na ang tindi ng propaganda ads ng mga IT schools na unregulated, uncontrolled at maraming mga magulang at mag-aaral ang maaari pang mabiktima," ani Almodal.
Hiniling ng grupo kay Valisno sa ginanap nilang dayalogo na magbigay ng regulasyon sa mga paaralang may kursong computer.
Marami umanong mga estudyante ang nagsasabi na ang pinag-aaralan nila sa school ay laos na at hindi na nakatutugon sa pangangailangan ng mga industriya.
"We want to know from the President kung anong kongkretong hakbang ang ginagawa para maitaas ang antas ng IT education sa bansa," ani Almodal.
Marami anyang tapos ng computer engineering, BS courses at computer science subalit wala namang board examinations hindi tulad ng ibang kurso. (Ulat ni Lilia Tolentino)