Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon ng Sandiganbayan, sinabi ni Prosecutor Dennis Villa-Ignacio na mukhang sinasadya umano ang pagkakasakit ni Estrada na isinabay pa sa buwan ng Pebrero kung saan sinimulan ng Special Division ang pagdinig sa petisyon na maoperahan sa Amerika.
Itoy matapos madiskubre ni Villa-Ignacio sa isinagawa nitong cross-examination kay Dr. Liberato Casison, chief ng Veterans Memorial Medical Center na nitong Pebrero 27, 2002 lamang nairehistro sa clinical record ni Estrada ang pagdaing sa kanyang karamdaman sa tuhod.
Sa isinagawa namang direct cross examination ni Atty. Percida Rueda-Acosta, head ng Public Attorneys Office (PAO), sinabi rin ni Casison, attending physician ni Estrada sa VMMC, na mahirap indahin ang lumulubha nang sakit sa tuhod ng dating pangulo kaya kinakailangan ang agarang operasyon.
Subalit nagtataka si Villa-Ignacio kung bakit hindi nakapaloob sa mga naunang medical records ni Estrada noong nakaraang taon ang pagdaing nito ng kirot ng kanyang karamdaman.
Sa panig naman ni Casison, iginiit nito na maaring hindi nagrereklamo si Estrada tuwing oras ng pagkuha sa pagsusuri bunga na rin ng pag-inom ng pain reliever.
Magugunita na naunang nagduda na gumagaling na ang sakit ni Estrada si Prosecutor Jose Calida matapos mawala ang ikalawang resulta ng X-ray na nakunan noong Enero 22, 2002 hinggil sa ilang sakit nito na nakita naman sa X-ray noong Mayo 18, 2001. (Ulat ni Joy Cantos)