Sinabi ni Desierto na ipinag-utos niya ang suspensiyon laban kay Evelyn Lucero dahil sa umanoy pagwawalang-bahala nito sa mga kasong katiwalian laban kay Mrs. Marcos.
Binigyang-diin ni Desierto na nagmukha silang katawa-tawa sa hindi paghahain ng oposiyon ni Lucero sa mosyon ng panig ng mga Marcos na humihiling na ibasura na lamang ang kaso laban sa kanila.
Iginiit ni Marcos na walang sapat na ebidensiya na magdidiin sa kanya hinggil sa akusasyon ng iligal na paggamit ng pondo ng Ministry of Human Settlements na noon ay pinamumunuan ni Mrs. Marcos.
Nabatid mula sa motion for dismissal ng panig ng depensa na matagal ng natapos ang usapin kasabay ng paghahain ng ebidensiya.
Nilinaw naman ni Desierto na si Lucero ay isinailalim sa preventive suspension habang dinidinig ang imbestigasyon laban dito upang hindi niya magamit ang kanyang posisyon para impluwensiyahan ang imbestigador sa kanyang kaso.
Nadismis ang mahigit 90 sa 117 mga kaso na nakahain sa Ombudsman laban sa mga Marcos. Nakaiskor rin ang pamilya Marcos ng i-unfreeze ang Swiss account nila sa Switzerland. (Ulat ni Grace Amargo)