Ayon kay PNP Chief Director Gen. Leandro Mendoza, kung papayag ang pamilya Yan sa exhumation ay gagawin nila ito kasabay ng pahayag na hindi dapat pagdudahan ang isinagawang pag-autopsy sa batang aktor dahil may sapat na kakayahan ang PNP Crime Lab na idetermina kung ano ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.
Ibinasura rin ni Mendoza ang pasaring ng sexy actress at TV host na si Rosanna Roces na posible umanong inimpluwensiyahan ng tiyuhin ni Yan na si NCRPO Chief Director Edgar Aglipay ang autopsy ng namayapang aktor para palabasing namatay ito sa acute hemorrhagic pancreatitis o bangungot at ilihis sa anggulong droga.
"The medical findings of the PNP Crime Laboratory is unimpeachable. They cannot do (manipulate) that. Our medico-legal officers will not risk their careers by providing false reports," pahayag ng PNP chief.
Tatlong araw matapos ang pagkamatay ni Yan, nagpalabas ng autopsy results kay Yan si PNP Crime Laboratory Director Chief Supt. Marlowe Pedregosa na pinatunayan ng medico-legal experts na walang bahid ng drugs sa blood specimens na nakuha sa ginawang autopsy sa aktor.
Base sa toxological content, konting amount lang ng ethyl alcohol o katumbas ng dalawang bote ng beer o dalawang shots ng whisky na nasa legal limits ang nakita sa katawan ni Yan.
Ayon kay Roces, isang reliable source ang nagsabi na ang actor na si Dominic Ochoa na isa sa mga kasama ni Yan sa Dos Palmas resort sa Palawan ay bumili ng 12 tableta ng designer drug ecstacy sa Cubao, Quezon City bago umalis para sa isang bakasyon.
Sinabi ni Aglipay na nagpaplano siya at pamilya Yan na magsampa ng kasong libelo laban kay Roces.
Nagpahayag si Mendoza na walang pakialam ang pamunuan ng PNP sa planong pagsasampa ng kasong libelo laban kay Osang dahil iyon umano ay personal at pampamilyang hakbang. (Ulat ni Doris Franche)