Pulis at militar nasa likod ng kidnap-for-ransom

Inamin kahapon ni Police Deputy Director Hermogenes Ebdane Jr., hepe ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) na maraming mga aktibo at nadismis na opisyal ng militar at pulisya ang nasa likod ng serye ng kidnapping sa bansa.

Sinabi ni Ebdane na may 15 police at military personnel ang naaresto ng mga awtoridad nitong nakalipas na mga buwan habang ang iba pa ay patuloy na isinasailalim sa tactical interrogations.

Nitong nakalipas na buwan ay sinampahan ng PNP ng kaso si P/Supt. Willie Dangane, operations officer nang binuwag na Task Force Sanlahi matapos na isangkot ng tatlong naarestong Pentagon kidnap-for-ransom group sa serye ng kidnapping sa Mindanao.

Ang Task Force Sanlahi ay itinatag upang siyang lumansag sa KFR group sa Mindanao subalit binuwag matapos makaladkad ang pangalan ni Dangane sa umano’y pagbibigay ng proteksiyon sa grupo ng kilabot na mga kidnaper. Pinalitan ang TF Sanlahi ng TF Mindanao base sa direktiba ni Pangulong Arroyo.

Gayunman, tumanggi si Ebdane na tukuyin ang mga pangalan ng mga opisyal ng pulisya at militar na sangkot sa kidnapping activities dahil baka masira ang isinasagawa nilang dragnet operations. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments