Ang Petron ang kauna-unahan sa mga higanteng kumpanya ng langis na nagtaas ng kanilang presyo at inaasahang susunod anumang araw ang Shell at Caltex.
Bunsod nito, inakusahan ng Kilusang Mayo Uno ng umanoy pagsasabwatan ang "Big 3" at Malacañang upang maplantsa ang hindi maawat na oil price hike na inaasahang aabot nang hanggang P1.35 kada litro.
Sinabi ni KMU spokesperson Sammy Malunes na ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay direktang makakaapekto sa manggagawa at pamilya nito .
Sinabi pa nito na ang minimum wage sa NCR ay hindi pa rin natitinag sa P250 kaya paano umano kukunin ng mga pangkaraniwang manggagawa ang idaragdag na taas sa mga pangunahing bilihin na magiging resulta ng oil price adjustment.
Dahil dito, nakatakdang maging pambansang welga ang gagawing kilos protesta ng KMU sa darating na Huwebes, Abril 11 at mga kaalyadong grupo gaya ng Bayan, Gabriela, Kadamay at iba pa. (Ulat ni Andi Garcia)