Sa panayam kay Sen. Ople, nabigo ang BI na sugpuin ang pagpasok ng dayuhang nasasangkot sa organisadong krimen tulad ng drug trafficking, prostitution, economic sabotage at illegal recruitment na nakatutulong pa sa paglala ng kriminalidad.
Base sa panukala ni Ople, lulusawin ang BI na pinamumunuan ni Commissioner Andrea Domingo sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Philippine Immigration Act of 1940.
"Tumatakbo ang tanggapan ni Domingo sa ilalim ng sinaunang borador, ang Philippine Immigration Act of 1940 kaya kailangan nang amyendahan ito upang mabuo ang commission on immigration na kinabibilangan ng isang commissioner at tatlong commissioners," paliwanag ni Ople.
Ipinanukala din ng solon ang pagtatayo ng anim na board of inquiry na siyang may eksklusibong tungkulin sa pagdinig ng kaso tulad ng deportasyon, paglabag sa immigration at alien registration laws, at petisyon sa kanselasyon ng certificate of citizenship na nakuha ng dayuhan sa maling pamamaraan.
Layunin din ng panukala na palawakin ang klase ng dayuhan na hindi makapapasok sa ating bansa tulad ng drug traffickers, gunrunners, sex perverts at sinumang sangkot sa terorismo.
Sa ilalim ng Ople bill, mas maraming visa categories at immigration privileges ang ilalagay sa panukala alinsunod sa patakaran ng estado na himukin ang dayuhang mamumuhunan. (Ulat ni Rudy Andal)