Sa pinakahuling tala, may dalawang panibagong biktima na pawang mga batang babae ang napatay kamakalawa na kinilalang sina Christina Edano, 4, ng Brgy. Tagbobolo at Annalyn Mahunday, 6, ng Brgy. Caguiscan. Ang mga bata ay natuklaw habang naglalaro sa kanilang bakuran. Natagpuan silang nakahandusay, bumubula ang bibig at may mga bakas ng pangil ng mga ahas at nangingitim ang mga katawan.
Batay sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ng Office of Civil Defense (OCD), takot ang nangingibabaw ngayon sa mga residente ng Mati, Davao Oriental dahil pinangangambahang tumaas pa ang bilang ng mga masasawing biktima kung hindi mapapatay ang mga ahas sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan ay 12 katao na ang napapatay simula ng sumalakay ito may ilang buwan na ang nakalipas na karamihan ay mga residente ng barangay Banaybanay.
Nabatid na dumulog na sa pamahalaang lokal ang mga residente upang maaksiyunan ang kanilang problema at isang petisyon ang isinumite ng mga nakatira sa mga liblib na lugar sa Brgy. Tagbobolo, Caguiscan at Banaybanay, pawang sa bayan ng Mati.
Naniniwala naman ang Provincial Disaster Coordinating Council sa Davao na ang pananalakay ng King Cobra sa matataong lugar ay bunga na rin ng walang puknat na pagkakaingin ng ilang magsasaka sa mga pinamamahayan ng mga itong lupain.
Ayon sa PDCC, tuluyan nang nasira ang tirahan ng mga ahas sa gubat kaya umabot na ang mga ito sa kapatagan at nakagagala sa matataong lugar.
Kaugnay nito, upang mapigilan ang patuloy na pambibiktima ng mga ahas ay nagpalabas na ang pamahalaang lokal sa bayan ng Mati ng pabuyang "cash" sa sinumang makahuhuli o makapapatay ng anumang uri ng gumagalang mga ahas partikular na ang dalawang King Cobra. (Ulat ni Joy Cantos)