Transport groups di magtataas ng singil sa pasahe bilang pa-birthday kay GMA

Nangako kahapon ang mga transport groups na hindi na nila itataas ang singil sa pasahe sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis bilang regalo kay Pangulong Arroyo na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon.

Sa isang resolusyon, nangako ang 15 transport organizations na sa kabila ng napipintong pagtaas sa presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo ay hindi sila magsasampa ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

"Ako po ay nagpapasalamat dito sa napakagandang regalo ng mga transport organizations. Kaya anuman ang mangyari sa presyo ng krudo, basta yung ating transport associations ay kasama natin sa pagsisikap na umunlad ang ating bayan, magtatagumpay tayo," wika ng Pangulo.

Ang resolusyon ay nagmula sa Provincial Bus Operators of the Philippines, PISTON, FEJODAP in the Philippines, Northern Luzon Transportation Association, Cagayan Valley Bus Operators Association, Katipunan ng mga Kooperatibang Pangsasakyan ng Pilipinas, Southern Luzon Bus Operators Association, PASA-MASDA, Integrated Metro Manila Bus Operators Association, Makati Jeepney Operators and Drivers Alliance Inc., Federation of Rizal-Cubao Operators and Drivers Association, Inter-City Bus Operators Association, Pambansang Katipunan ng mga Kooperatibang Pangsasakyan at Taxi Operators sa Metro Manila. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments