Nabatid na personal na tinungo ng nakatatandang kapatid ni Rico na si Bobby Yan ang tanggapan ni PNP Crime Laboratory Director, P/Chief Supt. Jose Marlowe Pedregoza kung saan ay hiniling nito na sarilinin na lamang ng kanilang pamilya ang sanhi ng pagkamatay ng kapatid at huwag nang isapubliko.
Dahil dito, tumanggi si Pedregoza na ipalabas sa media ang resulta ng autopsy report na siyang magpapatunay kung ano ang talagang dahilan ng biglaang pagkamatay ng aktor.
"Its the right of Rico Yans family kung ayaw nilang ipalabas ang result ng autopsy ng kanilang yumaong mahal sa buhay kahit sa sinuman," ani Pedregoza.
Sinabi pa ni Pedregoza na mas makabubuti na lamang na selyado ang resulta ng autopsy report upang hindi na lumikha pa ng kung anong alingasngas na higit lang maglalagay ng emosyonal na problema sa naulila ng biktima.
Ayon sa pahayag ng ilang insiders sa Camp Crame, bagaman di nila opisyal na nasaksihan ang pagsagawa ng awtopsiya sa bangkay ni Yan ay naniniwala silang hindi basta bangungot lamang ang ikinamatay ng matinee idol kundi may malalim pang dahilan.
Lumilitaw sa pangunang pagsusuri na pumutok ang pancreas o lapay ni Yan matapos na umanoy dumanas ito ng bangungot at ma-cardiac arrest na ayon sa ilang sources ay di karaniwan sa isang biktima.
Sa panayam naman sa ilang medical experts, marami umanong sanhi ang pagputok ng lapay tulad ng labis na pag-inom ng alak, droga, trauma, virus, gallstones at iba pa.
Nabatid na dalawang medical teams, isa mula sa PNP Crime Lab at mga doktor mula sa St. Lukes Medical Center ang nagsagawa ng autopsy kay Yan ilang sandali matapos dalhin ang labi nito mula sa Palawan hospital patungong Maynila noong nakaraang Biyernes ng gabi.
Ang dalawang independent autopsy reports sa biktima ay nagtugma na ang aktor ay namatay sa acute hemorraghic pancreatitis na nagresulta sa cardiact arrest.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Edgar Aglipay, ang naturang mga autopsy ay sapat na umano upang pabulaanan ang anumang problema na maaaring sumingaw sa darating na mga araw.
"So we can say that he died while sleeping, parang bangungot. Were happy that he (joined) his Creator now," sabi pa ng police official na tiyuhin ni Yan.
Sa reports mula sa ABS-CBN staff, si Yan ay nasa Palawan para mag-shooting nang isa pang commercial ng "Talk and Text" cellular phone promo, kasama ang mga aktor na sina Dominic Ochoa at Marvin Agustin.
Sa radio interview kay Ochoa, pinabulaanan nito ang balitang si Yan ay namatay bunga ng ecstasy overdose. Sinabi nitong nagkainuman sila ni Yan at nag-videoke kasama ang aktres na si Janna Victoria noong Huwebes Santo at bumalik ng kani-kanilang cottage bandang alas-2 ng madaling araw ng Good Friday.
Dakong alas-6 ng umaga ng marinig ni Ochoa na umuungol si Yan subalit bunga ng matinding pagod ay di niya ito pinansin.
Bandang alas-9:20 ng umaga ng gisingin ni Ochoa si Yan para mag-agahan ay hindi ito magising kaya isinugod sa Palawan Adventist Hospital kung saan idineklarang dead on arrival.
Si Yan, 27, residente ng Strata 300 Condominium, P. Guevarra st., San Juan, Metro Manila ay unconcious sa Dos Palmas Island resort sa Brgy. Manalo, Puerto Princesa City kamakalawa.
Kasalukuyang nasa state of shock ang dating girlfriend nito na si Claudine Barreto dahilan sa matinding pagkabigla.(Ulat ni Joy Cantos)