P500 dagdag sa pensiyon ng mga beterano

Madadagdagan ng may P500 ang dating P4,500 na pension ng mga war veterans, pahayag kahapon ni Defense Secretary Angelo Reyes sa ika-57 anibersaryo ng Victory of Panay, Guimaras at Romblon.

Ayon kay Reyes, inatasan na niya si Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) administrator, Commander Artemio Arugay na maglabas ng pondo na nagkalaan sa may 252,000 pensiyonado.

Kasabay nito, inutos din ni Reyes ang pagri-release ng bureau assistance benefit sa mga PVAO beneficiaries na umaabot sa P32 milyon.

Ang dagdag na buwanang pension ay sisimulan sa Hulyo ng taong ito batay na rin sa paglagda ni Pangulong Arroyo.

Nabatid na ang dating pension ng mga beterano simula 1990 ay umaabot lamang sa P500 isang taon subalit nadagdagan ito ng P500 kada taon batay na rin sa RA 7697.

Hindi na rin ito muli pang nasundan bunga na rin ng kawalan ng pondo.

Simula Hulyo 2001 ang mga beterano at maging ang mga asawang naiwan nito ay tumatanggap ng P4,500 pension kada buwan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments