Itinakda ng mga mahistrado ang pagpapatuloy ng arraignment ni Estrada at pre-trial sa illegal use of alias sa darating na Abril 12 ng taong ito.
Ipinagpaliban rin ang mosyon ni Estrada na magtungo sa Amerika para sa kanyang knee surgery na itinakda naman sa Abril 3.
Maging ang nakatakdang pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong plunder ni Erap sa darating na Lunes ay maantala rin matapos na ipagpaliban ito sa darating na Abril 15.
Ang pagpapaliban ay matapos na hilingin ng mga bagong talagang abogado na bigyan muna sila ng sapat na panahon upang mapag-aralan ang mga kaso ng dating pangulo.
Nabatid na may 6,000 pahina ang mga dokumentong hihimayin ng defense panel sa kaso ni Erap.
Sa kabila rin ng hindi naging normal ang relasyon ng mga bagong abogado kay Estrada ay nagpakitang gilas ang mga ito sa pagharap sa korte kabilang na ang paggigiit nila na payagan ang dating pangulo na sumailalim sa knee surgery sa Amerika.
Sa panig ni Estrada, kahit mga batikang abogado pa sa bansa ang italaga sa kanya ay hindi siya makakayang ipagtanggol dahilan sa paniwalang sadya umanong dinisenyo ang special court para siya parusahan.
Ipinahiwatig rin ni Estrada na anut anuman ang maging desisyon laban sa kanya ng Sandiganbayan ay siguradong iniimpluwensiyahan ng administrasyon kung saan ngayon pa lamang ay nararamdaman niyang wala siyang makakamit na katarungan.
Bagaman sinabi ng dating pangulo na kumpiyansa siya sa pagiging patas ni Special Division Presiding Justice Minita Chico-Nazario na nagsabing magtiwala siyat pinoprotektahan ng korte ang kanyang karapatan ay wala naman siyang tiwala kina Associate Justices Teresita de Castro at Edilberto Sandoval.
Sinabi ni Chico-Nazario na hindi dapat hinuhusgahan ng dating pangulo ang integridad ng korte dahil wala silang kinikilingan at ang desisyon nila sa anumang kaso ay ibabatay sa pahayag ng mga testigo at mga ebidensiyang ihaharap laban sa akusado.
Ayon pa kay Chico-Nazario, kung matitiyak ni Estrada na hindi na nito babakbakan ang kredibilidad ng Sandigan ay maaaring hindi na siya padaluhin sa mga pagdinig subalit hindi naman makapagbitiw ng pangako ang dating pangulo. (Ulat ni Joy Cantos)