Sa pahayag kahapon ni Southern Command Vice Commander Brig. Gen. Rodolfo Diaz, may mga report na karamihan sa mga lider ng Abu Sayyaf sa pangunguna ng chieftain na si Khadaffy Janjalani at spokesman nitong si Aldam Tilao alyas Abu Sabaya ay nakaalis na ng Basilan at inaabandona ang kanilang mga followers sa Basilan at Sulu provinces.
Ibinunyag ang mga ito ni General Diaz sa media kasabay ng media presentation niya sa nahuling Abu Sayyaf sub-leader na si Munib Assa alias Galib Hassan.
Si Assa na may patong sa ulong P1 million ay nadakip noong nakaraang Martes dakong alas-10:45 ng umaga ng pinagsanib na mga ahente ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Task Force Zamboanga, Special Operation Group (SOG), at Intelligence Unit ng Zamboanga City police office.
Ang pagkakaaresto kay Assa ay itinuturing ng military na malaking tagumpay sa serye ng sunud-sunod na military at police operations.
Inaasahang marami pang lider at mga miyembro ng Sayyaf na hinihinalang nagtatago sa Zamboanga City ang babagsak sa mga awtoridad base na rin sa impormasyong nakuha mula kay Assa.
Tumanggi namang magsalita si Diaz kung may binanggit ang naturang Sayyaf leader tungkol sa mag-asawang Burnham at Pinay nurse na si Deborah Yap. Patuloy na isinasailalim sa tactical interrogation ang suspek.
Samantala, sinabi ni Southcom Spokesman Lt. Col. Danilo Servando na ang pagkahuli kay Assa sa Zamboanga City ay hindi nangangahulugan na mayroong lapse sa military security sa Basilan.
Ayon kay Servando, maaari anyang sabihin na nakalabas ito pero hindi nakatakas dahil nahuli rin.
Si Assa ay positibong itinuro ng mga biktima ng Sayyaf kidnapping sa Tumahubong, Sumisip incident noong nakaraang Marso 27, 2000 kung saan mahigit sa 70 katao, kabilang ang Claretian priest na si Fr. Roel Gallardo, mga guro at estudyante ang kanilang dinukot sa pamumuno ni Janjalani at Sabaya.
Si Assa ang sinasabing responsable sa pagpugot sa dalawang kinidnap na guro na kinilalang sina Nelson Enriquez at Dante Uban.
Matatandaang inalok ni Sabaya ang ulo ng mga biktima bilang regalo kay dating Pangulong Estrada noong nanunungkulan pa ito. (Ulat ni Roel Pareño)