Nabatid mula sa 15-pahinang motion for reconsideration sa SC ng mga magsasaka sa Brgy. Casile, Cabuyao, Laguna kinukuwestiyon nito ang naging desisyon ng Korte sa pangunguna ni Chief Justice Hilario Davide Jr. nang ipag-utos nito na ibalik sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang paglilitis hinggil sa pinagtatalunang lupain sa pagitan ng Casile farmers at ang kaibigan ni dating Pangulong Estrada na si Jose Luis Yulo, ang Santa Rosa Realty Devt Corp.
Ang kaso ay nag-ugat noong 1988 makaraang maipasa ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Hiniling sa DAR ng mga magsasaka sa Casile na masaklaw ng CARP ang 8,000 ektaryang hacienda ng pamilya Yulo na sinasabing tinututulan ng pamilya Yulo sa katwirang hindi ito sakop ng CARP dahil isa itong municipal park at watershed.
Ang depensa ng pamilya Yulo ay ibinasura ng DAR hanggang sa umakyat ang kaso sa Court of Appeals (CA), subalit natalo muli ang mga Yulo. Nakarating ang kaso sa Korte Suprema at laking gulat ng mga magsasaka ng baligtarin ng Mataas na Hukuman ang desisyon ng DAR at CA.
Sinasabi sa desisyon ng SC First Division noong Oktubre 12, 2001 na ibabalik ang kaso sa DAR adjudication board para litising muli ang kaso bunga ng mga inihaing depensa ng pamilya Yulo. Nangangahulugan anya ito na mababalewala lamang ang 13-taong pakikipaglaban ng mga magsasaka.
Bunga nito, iginiit ng mga magsasaka na katigan ng SC ang naging desisyon ng DAR at CA at huwag ipagkait sa mga ito ang hinihingi nilang lupain dahil posibleng gamitin na nila ang batas ng mga mahihirap para mabigyan ng katarungan ang kanilang mga naging kaapihan. (Ulat ni Grace Amargo)