^

Bansa

GMA pumabor sa pagbawi ng parusang bitay

-
Pabor si Pangulong Arroyo sa pagbabasura sa parusang bitay at handa niyang lagdaan bilang batas ang bill ukol dito sa sandaling pumasa ito sa Kongreso.

Ang pahayag ay reaksiyon sa panukalang batas ng 15 senador na alisin na ang pagpapatupad ng parusang kamatayan.

Nilinaw ng Pangulo na sa kasalukuyan, suspendido ang implementasyon ng lethal injection sa lahat ng bilanggo sa death row matangi doon sa mga nahatulan dahil sa kasong pangingidnap.

Mayroon anyang nakatakdang malapatan ng parusang kamatayan sa kasong pangingidnap sa Agosto ng taong ito at naniniwala siyang mas makabubuting mabigyan ng sampol ang mga kidnapper bago makapagpatupad ng batas na sususog sa death penalty.

Ginunita ng Pangulo noong senador pa lang siya, hindi siya bumoto pabor sa bitay dahil naniniwala siyang matatamo ang layuning rehabilitasyon sa mga nagkasala kung habambuhay ang parusa dito.

Nilinaw ng Pangulo na bagaman sinuspinde niya ang pagpapataw ng parusang bitay, exempted dito ang mga kidnapper dahil kahit na sila nakabilanggo ay nakakapagsagawa pa rin sila ng operasyon lalo na yaong mga mastermind ng sindikato.

Sinabi rin ng Pangulo na walang basehan ang espekulasyon na kaya mayroong naghain ng resolusyong alisin ang bitay ay para malibre si dating Pangulong Estrada sa kaso nitong plunder.

"I don’t like to preempt the Sandiganbayan. Ang Sandiganbayan ang siyang hahatol sa kaso niya at lubhang napakaaga pa para bigyan ng hatol ang kanyang kaso," anang Pangulo.
Pagkitil ng death penalty kinontra
Kaugnay nito, hindi pa man nakakaungos ang hakbangin ng 15 senador na ipabasura ang Death Penalty Law ay kaagad na itong kinontra ng ilang mambabatas kahapon.

Sinisisi ni Sen. Robert Barbers ang Pangulo sa pagsususpinde ng death penalty kaya nakikita ng ilang mambabatas na nabigo ang layunin ng batas laban sa heinous crime.

Sa kanyang paninindigan, inihayag ni Barbers na dapat ay may binibitay na dalawang death convict kada linggo upang matakot gumawa ng krimen ang sinuman.

Sinabi ni Barbers na hindi maidedeklarang sablay ang layon ng death penalty law sa pagsugpo ng karumal-dumal na krimen dahil hindi naman ito sapat na naipatupad ng kasalukuyang administrasyon.

Matatandaan na sa pag-upo ni Pangulong Arroyo noong Enero 20, 2001 kaagad nitong sinuspinde ang pagpapatupad ng parusang bitay sa mahigit 1,000 inmates na nahatulan ng kamatayan.

Ang naturang aksiyon ay bilang tugon ng Pangulo sa panawagan ni Archbishop Jaime Cardinal Sin na mahigpit na tumututol sa death penalty law.

Iginiit ni Barbers na kung mahigpit na ipinatupad lamang ng administrasyon ang death penalty law, tiyak na matatakot ang sinuman na gumagawa ng karumal-dumal na krimen.

Aniya, simula nang buhayin ang capital punishment noong 1994, aanim pa lamang ang naisalang sa lethal injection chamber sa kabila ng mahigit isang libong katao ang nahatulan ng kamatayan kabilang ang mga big-time drug pushers.

Tiniyak namang magkakaroon ng matinding debate dito dahil mahigpit na tinututulan ito nina Barbers at Sen. Rodolfo Biazon.

Hindi rin sang-ayon ang pamunuan ng PNP sa nasabing desisyon ng 15 senador na ibasura ang death penalty.

Sa panayam kahapon kay PNP-Police Community Relations Group Director, Chief Supt. Crescencio Maralit, sinabi nito na maapektuhan lamang ang law enforcement sa paghuli sa mga kriminal at kung aalisin ang parusang bitay ay posible umanong tamarin na ang mga alagad ng batas sa panghuhuli ng mga masasamang elemento partikular na ang mga sangkot sa mga karumal-dumal na krimen. (Ulat nina Lilia Tolentino, Rudy Andal at Doris Franche)

ANG SANDIGANBAYAN

ARCHBISHOP JAIME CARDINAL SIN

CHIEF SUPT

CRESCENCIO MARALIT

DEATH

PANGULO

PANGULONG ARROYO

PENALTY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with