Ito ang hingi ni Pangulong Arroyo sa sambayanang Pilipino na nagtatanong kung bakit hindi pa nila nararamdaman ang sinasabi ng pamahalaang pagsulong ng kabuhayan.
Sa kanyang bagong palatuntunan sa radyong "Ang Panawagan ng Pangulo" na ipinalit sa "May Gloria ang Bukas Mo," sinabi ng Pangulo na ang hinihiling niya sa mga taong nagmamasid lang sa takbo ng bansa na intindihin nila na mahirap ang trabaho ng pag-aayos ng bansa.
Hindi na raw niya pinipilit na maniwala sa kanya ang mga kritikong talagang sarado na ang isip.
Inihalintulad niya ang sariling karanasan sa dinanas ni dating US President Clinton na sa unang mga taon ay hindi tanggap ng mga kritiko at media.
Sinabi ng Pangulo na hindi siya nag-aapura na maintindihan siya ng taong bayan at hindi naiinip dahil hindi pa nararamdaman ng kanyang mga kritiko ang mga bunga ng kanyang pagsisikap. (Ulat ni Lilia Tolentino)