Sa pahayag kahapon ni Defense Secretary Angelo Reyes, nauubusan na ng pasensiya ang gobyerno sa MILF, itoy kasunod ng panibagong patutsada ni Al Hadj Murad, vice chairman for military affairs ng MILF, na nakaipon na sila ng mga war materials gaya ng mga missiles at bomba at handa na ang kanilang grupo na gamitin ang mga ito laban sa gobyerno.
Ayon kay Reyes, hindi dapat nagbibitiw ng ganitong uri ng pananakot ang MILF dahil ibinabasura lamang ng pamahalaan ang kahit na anong uri ng pagbabanta.
Hindi rin umano ito makatutulong upang masolusyonan ang negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at MILF at sa halip ay nakasasama pa ito sa peace process.
Tumanggi naman si Reyes na sabihing isang all-out war ang kanilang ilulunsad laban sa mga rebeldeng Muslim at sa halip ay binigyan-diin nito na hindi dapat ubusin ng mga ito ang pasensiya ni Pangulong Arroyo.
Ipinaliwanag ni Reyes na nais ng pamahalaan na lutasin ang problema sa MILF sa pamamagitan ng mapayapang paraan kayat kanilang binibigyang-daan ang backdoor negotiations na ipinag-utos ng Pangulo.
Subalit hindi umano nila gagawing biro ang mga kilos at pahayag ng MILF na muling nagpapalakas ng puwersa ang mga rebeldeng Muslim. Sa halip, ito ay itinuturing nilang isang paghahamon sa pamahalaan.
Tiniyak naman ni Reyes na nakahanda ang militar na tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin upang mabigyang proteksiyon ang mga civilian communities sa lalawigan ng Mindanao. (Ulat ni Doris Fanche)