Ayon dito, ang tunay na kinidnap ay si Rodolfo "Gino" Padilla na half-brother ni Robin Padilla at pinsan ni Zsazsa Padilla tulad ng tamang impormasyong ini-report ng dyaryong ito (PSN) kamakalawa.
Binatikos ni Gino ang mga pahayagan na naglabas ng kanyang larawan na ikinabigla ng kanyang ina na muntik ng atakihin at mga kaibigan.
Matatandaan na nagbigay ng pahayag si House Minority Floor Leader Carlos Padilla, kaugnay sa nangyaring pagdukot kay Gino Padilla, 27, habang nasa sakahan ito sa Brgy. Bibitlat, Cuyapo, Nueva Ecija, noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Rep. Padilla, pinatay din ng mga armadong kalalakihan si Sixto Degracia, caretaker/bodyguard ni Gino matapos sunugin ang bahay, kotse at traktora na pag-aari ng mga Padilla.
Humingi naman ng tulong sa mga awtoridad si Jenny Serafin, ina ni Padilla.
Samantala, sinabi ni PNP Region 3 Chief Director Reynaldo Berroya na hindi hawak ng kidnap for ransom (KFR) group ang kapatid ni action star Robin Padilla.
Ayon kay Berroya na isang ordinaryong pagdukot ang ginawa kay Padilla.
Sinabi ni Berroya, dapat anyang may ransom na hiningi ang mga suspek kung grupo ito ng KFR.
Gayunman, nakikipagtulungan sa nasabing kaso si CIDG Chief Director Nestorio Gualberto para malaman ang motibo ng insidente. (Ulat ni Jhay Mejias)