Sinabi ni PNP-Intelligence Group Director, P/Chief Supt. Robert Delfin, ang nasabing sentro ng recruitment ay ang mga lugar ng Payatas, Quezon City; Parola sa Baseco, Manila at Caloocan City.
Karamihan umano sa mga nire-recruit ay mula sa grupo ng mga squatters na iniidolo pa rin si Estrada.
Ayon kay Delfin, kinukuha umano ang serbisyo ng mga taong ito upang ipakitang malakas ang puwersa ng Peoples Movement Against Poverty (PMAP) na pinamumunuan ni Ronald Lumbao.
Gayunman, sinabi ni Delfin na hindi pa nila batid kung magkano ang ibinabayad ng PMAP sa bawat isang hinahakot ng mga itong ralista para sumama sa protesta.
Kaugnay nito, muling ipinag-utos ni PNP Chief Leandro Mendoza ang pagtugis kay Lumbao na kinasuhan ng rebelyon kaugnay ng May 1 Malacañang riot.
Si Lumbao ang sinasabing nag-udyok sa mga Erap supporters para lumusob sa Palasyo.
Nagpadala na ang PNP ng mga tauhan nito sa Caloocan City at Bulacan matapos na makatanggap ng ulat na dito nagpapalipat-lipat ng taguan si Lumbao. (Ulat ni Joy Cantos)