Tiniyak kahapon ni AFP Southcom Chief Lt. Gen. Roy Cimatu na haharangin ng tropa ng militar ang posibleng pagpasok sa entry points sa Mindanao ng mga armas ng Taliban na umanoy isusuporta sa mga bandidong Abu Sayyaf na kaalyado ni bin Laden.
Ayon kay Cimatu, mahigpit ang isinasagawang pagbabantay ng kanyang mga tauhan para pigilan ang posibilidad na tangkain ng mga international terrorist na magpuslit ng sinasabing mga armas ng Taliban bunga na rin ng pagkadehado ng Abu Sayyaf sa all-out war campaign ng pamahalaan laban sa naturang grupo ng mga bandido.
Base sa intelligence report, tumitiyempo lamang umano ang mga terorista mula sa Middle East at hindi anya papayag ang Al-Qaeda ni bin Laden na magapi ang kanilang kaalyado sa Pilipinas matapos umeksena na ang US troops sa Basilan kaugnay ng Balikatan.
Samantala, ibinasura kahapon ng AFP ang hinihinging amnestiya ng ilang mga hardcore na lider at mga tauhan ng Sayyaf kapalit ng kanilang pagsuko sa pamahalaan.
Matigas na inihayag ni AFP Chief Gen. Diomedio Villanueva na hindi nila maaaring pagbigyan ang nasabing kondisyon ng grupo. (Ulat ni Joy Cantos)