Sa kanyang programang "May Glorya ang Bukas Mo", hiningi ng Pangulo ang tulong ng mga biktima ng pangingidnap ng Abu Sayyaf at pamilyang nawalan ng kamag-anak dahil pinatay ng grupong bandido para siyang magpaliwanag sa publiko hinggil sa kasamaan ng ASG.
"Kapag naririnig ko kayo, naaalala ko ang sinasabi nilang ako raw ay isang Am Girl dahil tinatanggap ko raw ang tulong ng mga Amerikano. Tulungan po ninyo akong kumbinsihin sila na mas matinding kalaban ang Abu Sayyaf kaysa mga Amerikano," anang Presidente.
Sa isinahimpapawid na palatuntunan ay inihayag ni Jovelyn Dacquer, taga-Puerto Princesa, na ang kanyang asawa ay kabilang sa mga nakidnap ng Abu Sayyaf sa Dos Palmas. Isa siyang cook sa naturang beach resort.
Napugutan ng ulo ang kanyang kabiyak dahil wala silang maibayad na ransom.
Ayon naman kay Joel Guillio, dumanas siya ng apat na buwan at 12 araw na pagiging bihag ng Abu Sayyaf. Nadukot siya sa Torres Hospital.
Sobra raw ang hirap na dinanas niya sa panahong yaon dahil umulan man o umaraw lagi silang naglalakad at minsan ay hindi sila kumakain.
Dinala raw siya at iba pang kasamahan sa bundok ng Basilan. Doon daw ay nakita niya ang panggagahasa ng mga miyembro ng ASG sa mga bihag na babae.
Nakita raw niya doon ang mag-asawang Martin at Gracia Burnham.
Para raw asong may tali si Martin habang naglalakad sila sa araw, at kung gabi itinatali siya sa puno. (Ulat ni Lilia Tolentino)