Bagamat walang kinalaman ang mga immigrant baggage screeners sa September 11 bombing, lahat ng mga ito ay maaapektuhan sanhi ng 9/11 Federal Law kung saan tanging mga US citizens na lamang ang gagawing baggage screeners.
Nakasaad sa US Aviation Security Law na ipinasa noong Nobyembre 19, mahigpit nang ipinagbabawal sa mga immigrant ang maging airport screeners.
Ayon sa Migrante International, maraming mga immigrant na nagtatrabaho sa tatlong airports sa California - San Francisco, San Jose at Oakland airports ang nagsagawa ng magkakahiwalay na rally noong Martes para iprotesta ang nasabing batas.
Sa San Francisco lamang ay tinatayang 1,200 immigrants na karamihan ay mga Pinoy ang napipintong mawalan ng trabaho.
Sinabi pa ng Migrante na ang "war on terrorism" na inilunsad ng Amerika ay nagiging giyera hindi laban sa terorismo kundi laban sa mga migrant at immigrants.
Dahil sa nangyaring pambobomba sa Ground Zero noong nakaraang taon ay naging mapaghinala na umano ang mga Amerikano at ang nais na lamang nilang pagkatiwalaan ay ang sarili nilang mamamayan.
Idinagdag ng Migrante na dapat isipin ng Amerika na ang taong responsable sa Oklahoma terrorist bombing sa US ay si Timothy McVeigh na isang American citizen. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)