Sa apat-na-pahinang manifestation nina Comelec Commissioners Luzviminda Tancangco, Rufino Javier, Ralph Lantion at Mehol Sadain, sinabi nito na dapat balewalain ng SC ang petisyon ni Benipayo dahil wala itong ligal na pag-aapruba ng Comelec en banc.
Matatandaan na nag-utos si Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Luisa Quijano-Padilla na ipatupad na ng Comelec ang programa sa ilalim ng Voters Registration and Identification System (VRIS) kung saan ay ibinibigay ang naturang kontrata sa nanalong bidder, ang Photokina.
Subalit humingi ng saklolo si Benipayo sa Korte Suprema kung saan ay hiniling nito na pigilin ang naging kautusan ni Judge Padilla dahil ito umanoy iligal.
Naging dahilan naman ito para kumilos ang grupo ni Tancangco sa pagsasabing walang ligal na basehan ang ginawa nina Benipayo dahil hindi sumang-ayon sa kanyang panukala ang mayorya ng mga commissioner.
Ibinigay ng Comelec ang kontrata sa Photokina para sa VRIS program noong Oktubre 3, 2000 makaraang magwagi sa bidding ang naturang kumpanya.
Ang VRIS ay binuo ng Comelec noong panahon ni dating Comelec Chairperson Harriet Demetriou upang masiguro na malilinis ang listahan ng may 35-milyong mga botante sa buong Pilipinas. (Ulat ni Grace Amargo)