Ito ay bahagi lamang ng tulang ipinadala ng isang makatang huwes ng Pampanga na posibleng makalaboso matapos balewalain ni Sandiganbayan Fourth Division Associate Justice Rodolfo Palattao ang kahilingan ng sinibak na huwes na si Hermin Arceo na ibasura ang ebidensiya sa kinakaharap niyang kasong sexual harassment at acts of lasciviousness.
Si Arceo na dating executive judge at presiding justice ng Branch 43 ng Regional Trial Court ng San Fernando, Pampanga ay sinampahan ni Jocelyn Talen-Dabon, clerk of Court V, ng isang kasong administratibo sa Supreme Court at dalawang kasong kriminal sa tanggapan ng Ombudsman dahil sa acts of lasciviousness sa sexual harassment.
Sinabi ng biktima na ginamit ni Arceo ang kanyang posisyon upang ipakita ang pagnanasa nito sa kanya kung saan sapilitan siyang niyakap at hinalikan sa labi ng huwes noong Disyembre 6, 1995.
Sinibak ng SC si Arceo at tinanggalan pa ng mga retirement benefits.
Kabilang sa mga ebidensyang ipinakita ni Dabon ay ang tulang ipinadala sa kanya nito kung saan nakasaad ang matindi nitong pagnanasa at pagmamahal.
"Bawat patak ng luha koy mga butil ng pag-ibig. Na siya kong kalasag, sa pagnanakaw ng halik. Sa pisngi mo aking mahal, aking ilalangit. Patak ng ulan - sa buhay kong tigang ang makakawangis," nakasaad pa sa tula ni Arceo. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)