Bunsod nito, nagpalabas kahapon ang Department of Foreign Affairs ng babala para sa lahat ng mga OFWs na mag-ingat sa nasabing modus operandi ng mga illegal recruiters.
Nilinaw ng DFA na bagamat inanunsiyo kamakailan ni Vice President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona na may balak ang pamahalaan na magpadala ng mga Filipino engineers, construction workers at mga contractors para sa gagawing rehabilitasyon ng nasabing bansa ay wala pang job orders para sa mga nabanggit na propesyon.
Ayon pa sa DFA, maging ang mga trabaho na may kaugnayan sa larangan ng aeronautics ay wala pang job orders para sa mga Filipino sa Afghanistan bagamat isa ang Pilipinas sa mga bansang napili ng United Nations Rehabilitations na pagkukunan ng magagaling na mga trabahante sa larangan ng aeronautics transportation na gagamitin naman sa paliparan ng Afghan.
Sinabi ng DFA na kasalukuyan pang pinag-uusapan at inaayos ng Department of Labor and Employment at iba pang ahensiya ng pamahalaan ang planong pagpapadala ng OFWs sa Afghanistan at ia-anunsiyo ang go signal kapag plantsado na ang lahat. (Ulat ni Rose Tamayo)