Ayon kay Teddy Casino, secretary general ng grupong Bayan Muna, imposible umanong walang kapalit ang isinusulong ng mga mambabatas na resolusyon upang hikayatin ang Sandiganbayan na payagang makapagpa-opera ng kanyang tuhod sa ibang bansa ang pinatalsik na pangulo.
Ayon sa grupo, nakababahala ang pagsuporta ng mga mambabatas sa Senado at Kongreso sa ginawang resolusyong payagan si Estrada na magamot ang tuhod sa Stanford Medical Center sa San Francisco, California.
Sakaling matuloy anya ang pagpunta ni Estrada sa ibang bansa, nangangahulugan itong "great escape" at tuluyan nang takasan ang kanyang kasong pandarambong.
Nagbanta naman ang mga militanteng grupo na sila ay magsasagawa ng malawakang kilos protesta sakaling payagan ng Sandiganbayan si Estrada na umalis ng bansa.
Una nang lumagda sa nabanggit na resolusyon ang 18 senador at 125 kongresista na sangayon sa pagpunta ni Estrada sa US.
Hindi naman nagbigay ng kanyang komento ang Pangulong Arroyo hinggil dito. Dahil sa pananahimik ng Malacañang ay lalo umanong lumalakas ang hinala nang ilan na sinusuportahan ng Pangulo ang pag-exile kay Estrada.
Sinabi pa ng grupo na dapat ikonsidera ng mga lumagdang senador at kongresista ang kanilang posisyon at bawiin ang kanilang suporta sa isinusulong na resolusyon. (Ulat nina Malou Rongalerios Escudero at Angie dela Cruz)