Hiniling din ng mga kaanak ng nakakulong sa Hong Kong na si Veronika "Baby" Bueno kay Vice-President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona na tulungan ito upang mailipat sa bansa dahil sa kondisyon ng pangangatawan nito.
Sinabi ni Sen. Magsaysay, lumiham sa kanya si Ms. Bueno, 52, tubong-Sta. Cruz, Zambales, upang humingi ng tulong, partikular ang magkaroon ng review sa kanyang kaso matapos siyang mahatulan sa HK nang mapatay nito ang kanyang Swiss national na mister noong 1997.
Hinatulan ng korte si Bueno na makulong ng sampung taon.
Winika pa ni Bueno sa kanyang sulat sa senador, lubos siyang nagulat at disappointed sa naging hatol sa kanya ng korte gayung siya ang biktima ng abusado niyang mister at nagtanggol lamang sa kanyang sarili.
Kasalukuyang maysakit na partial paralysis, duodenal ulcer at arachnoid cyst sa kaliwang bahagi ng kanyang utak si Bueno na may apat na taon nang nakakulong doon.
Hinimok din ng mambabatas ang ibat ibang samahang kababaihan na suportahan ang kahilingan ni Bueno upang makauwi na ito sa bansa. (Ulat ni Rudy Andal)